Ika-21 linggo: Magsalita, mag-isip, magsulat sa Pilipino

Standard

Noong nakaraang buwan, ipinagdiwang ang Buwan ng Wika sa paaralan ng Batang Taklesa. (Mula ngayon, ang itatawag ko na sa The Hooligan ay The Tactless Child; Una, dahil hindi ko alam ang katumbas sa Tagalog ng salitang Hooligan, pangalawa, dahil wala na namang pagka-hooligan ang asal ng Batang Taklesa. Ngayon ay sumusunod na siya sa kanyang mga magulang ngunit naging matanong naman siya tungkol sa mga bagay na maselan. Tulad ng: “Mommy, bakit naaamoy ko ang hininga mo?” [sa Ingles] sa akin kapag bagong gising ako at hindi pa nakakapag-sipilyo, at, “Bakit po mahahaba ang kuko niyo sa paa?” [sa Ingles] sa kanyang lolo.)

Mabalik tayo sa Buwan ng Wika. Taun-taon, sa buwan ng Agosto, ang lahat ng paaralan sa Pilipinas ay nagiging isa sa pagdiriwang ng wikang Pilipino. Sa lahat ng Presidential Decree na ipinautos ng Malacanang, ito, sa tingin ko, ang isa sa pinakamagaling. Ang pagsalita ng Pilipino ay tumutulong sa pagtanaw natin sa ating pinanggalingan, sa ating pagkatao bilang mga Pilipino. Kailangang kailangan ito lalo na sa ngayong panahon, kung kailan maraming bata – bilang na rito Ang Batang Taklesa at Ang Mandudura (hindi na siya T-Rex mula ngayon; The One Who Spits na siya) – ang mas sanay magsalita ng Ingles kaysa Tagalog. Tingnan mo na lang ang kabataan kapag pinapakanta ng Lupang Hinirang – kung anu-ano ang sinasabi, walang tumutugma sa kanta.

Kaya’t noong isang araw, nagpasya akong kalimutan ang wikang Ingles nang isang araw at magsalita, mag-isip, at magsulat sa Tagalog lamang. Mahirap. Napakahirap. Ikinahihiya ko ito dahil ako rin pala (kasama na rin Ang Asawa), mas sanay nang mag-Ingles kaysa mag-Tagalog.

Noong araw na iyon na nag-sariling Araw ng Wika kami, inakala ng Batang Taklesa at ng Mandudura na naglalaro kami ng Pictionary. Kung may sasabihin kasi ako sa kanila at hindi nila maintindihan ang aking sinasabi, idinadaan ko na lang sa kilos. Ngunit hindi ko kayang sabihin ang lahat ng nais kong sabihin sa pamamagitan ng pag-kilos lamang. Sa pagsipilyo, ang akala ng Batang Taklesa na sinasabi ko ay, “Your face is itchy?” Ang Mandudura naman, sumabat ng, “Dog!”

Nagpasalamat ako na wala akong kailangang tapusing trabaho noong araw na iyon; kung hindi, mapipilitan akong mag-isip at magsulat sa Ingles. Lahat kasi ng sinusulatan kong magasin at pahayagan, gumagamit ng wikang Ingles. Isa itong katangian ng mga taga-middle class at upper class   sa Pilipinas – pinaliligiran sila ng wikang Ingles. Tulad ng Batang Taklesa at ng Mandudura, ano pa nga ba ang magagawa nila kundi magsalita na rin ng Ingles?

Ang ibig sabihin ba nito ay nabawasan na ang kanilang – aming – pagiging Pilipino? Maaari, ayon sa ilang manunulat sa pahayagan. Ngunit sa tingin ko, ang pagkatao ng isang Pinoy ay binibigyang kahulugan ng marami pang ibang bagay, tulad ng paglingon sa pinanggalingan, pagtanaw ng utang na loob, pagtulong sa kapwa, pag-aruga sa pamilya, at pagmamahal sa Pilipinas at sa lahat ng pinaninindigan nito. Napakahalaga ang paggamit ng sariling wika. Ngunit kasing halaga nito ang pagmamahal sa Pilipinas. (Hindi ko sinabi ito bilang depensa sa aming pagiging mga “Ingglisero.” Ito ay aking paniniwala.)

Kaya’t ngayon, kasama ng Batang Taklesa, ng Mandudura, at ng Asawa, susubukan kong maging mas kapuri-puring Pilipino. Hindi na maiiwasan ang pagsalita ng wikang Ingles. Ngunit maaari pa ring yapusin ang Pilipinas nang mas mahigpit.

Advertisements

About supertamad

Welcome! So glad you could stop by. My name is Cecile and I like to write stories, especially if they're true, like the stuff in here. Most of my stories talk about the people most important to me--The Hub, The One with the Toilet Humor, and The Manipulator (I swear, they have normal names in real life). So grab that drink, sit back, and read on; I put up this blog to make life more fun for me, and hopefully for you, as well. Cheers!

4 responses »

  1. Salamat at nakapag sulat ka na nang ika 52 mong sulatin . Lagi kong tinatanaw-tanaw ang pahinang sinusulatan mo para ma tinganan kung may naisulat ka na…at sa awa ng Diyos , mayrron na nga – Pakisabi sa Taklesa at sa Mandudra na sabik na sabik na ako sa kanila.

  2. talaga nga namang napakahusay ng talatang ito. nakaka-aliw ang mga bawat sambit ng salita na bumuo sa nakakatuwang pangungusap. isa po ako sa mga mag-aaral ng Ang Asawa at naging modelo narin namin ang Batang Taklesa. Nakaka-aliw at nahahasa pa ng tuluyan ang aking kaalaman sa pagkuha ng larawan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s